Deployment ban ng OFW sa Saudi nananatili – POEA

Photo: poeaonline.com

Inanunsiyo ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), na namamalaging suspendido ang pagpapadala ng overseas Filipino workers (OFWs) sa Saudi Arabia.

Sa isang advisory, sinabi ni POEA chief Bernard Olalia na fake news lamang ang mga napaulat na inalis na ng ahensiya ang deployment ban ng OFWs sa Saudi Arabia.

Aniya . . . “Please be informed that the POEA has not lifted the deployment ban to Saudi Arabia.”

Ayon kay Olalia, ang fake advisory ay isang “edited copy” ng isang advisory na may kaparehong nilalaman na inisyu ng POEA noong May 29, 2021.

Sinabi ng Department of Labor and Employment (DOLE), na isang criminal ring ang maaaring nasa likod ng pagpapakalat ng bogus na POEA advisory.

Sinabi ni Rolly Francia, direktor ng DOLE Information and Public Service, na ang fake advisory ay malinaw na naglalayong lituhin ang mga manggagawang Filipino na nagnanais magtrabaho sa Saudi Arabia.

Aniya, nakikipag-ugnayan na ang DOLE sa law enforcement agencies para matunton ang pinagmulan ng fake advisory.

Una nang inanunsiyo ni Labor Secretary Silvestre Bello III, na hindi aalisin ng gobyerno ng Pilipinas ang suspensiyon sa deployment ng domestic helpers at construction workers, hanggang sa mabayaran ng gobyerno ng Saudi ang P4.5 billion na hindi nabayarang suweldo ng humigit-kumulang 10,000 OFWs.

Sinabi ni Bello na hindi pa natutupad ng Saudi government ang kanilang ipinangako na babayaran ang kanilang obligasyon.

Ipinatupad ng POEA ang deployment makaraang dumanas ng pang-aabuso at pagmamaltrato ang limang Filipino workers sa kamay ng kanilang employer, na isang retiradong Saudi general.

Please follow and like us: