Deployment ban sa Ukraine, inilabas na ng DOLE
Magpapatupad na ng total deployment ban ang Department of Labor and Employment (DOLE), para sa mga Filipino na nagpaplanong magtrabaho sa Ukraine.
Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III, na kabilang sa mga pinagbabawalang magtungo sa Ukraine ay ang mga manggagawang Pinoy na ‘direct hire’ ng mga employer sa nasabing bansa.
Ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), kasabay ito ng nagpapatuloy na mandatory repatriation sa mga Pinoy na nagtatrabaho o naninirahan sa Ukraine.
Paliwanag ni labor secretary Silvestre Bello III, wala nang papayagang magpunta sa Ukraine kahit pa sila ay ‘direct hire,’ maliban na lamang kung manggagaling ang mga ito sa ibang lugar gaya ng mga nasa Hong Kong na didiretso sa Ukraine.
Matatandaan na itinaas na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang Alert Level 4 sa Ukraine nitong Marso 7, dahil delikado na ang sitwasyon para sa mga Filipinong nananatili doon.