Deployment cap ng mga healthcare worker, posibleng tumaas sa 2022 – DOLE
Maaari umanong tumaas pa ang deployment cap ng mga healthcare worker partikular sa mga nurse sa susunod na taon.
Ito ayon kay Labor Asec. Dominique Tutay ay kung makapagpo-produce ang bansa ng 12,000 registered nurse ngayong taon.
Sa kasalukuyan, ang annual cap ng deployment ng health workers ay nasa 6,500.
Labor Asec. Dominique Tutay:
“Kapag tayo ay nakapagproduce ng 12k for the year we can spare around 4k para idagdag sa current deployment cap of 6,500. But we can’t make a decision now dahil gagawin palang ang board exam at ang result lalabas sa December pa”.
Ayon sa DOLE, ang staffing standard para sa mga public at private hospital ay dapat nasa 218,000.
Pero noong Oktubre, ang average na bilang ng mga nurse sa mga ospital sa bansa, nasa 170,000 lamang.
“So kung pagbabasehan ang level of technicality, nasa critical stage so kailangan bago tayo magbigay ng recommendation kung tataasan ang deployment cap kailangan natin magproduce ng around 12k registered nurses for 2021″.
Noong Hulyo aniya, may 5,008 ang nakapasa sa board exam para sa mga nurse, pero ang nagparehistro rito sa Professional Regulation Commission, wala pang 5,000.
Ngayong Nobyembre, muling magkakaroon ng board exam para sa mga nurse kung saan may 12,300 ang nagparehistro.
Kung makapapasa aniya ang kahit 8,000 rito, at magpaparehistro sa PRC, maaaring irekomenda ng DOLE na maitaas ang deployment cap.
Nilinaw ni Tutay na exempted rito ang mga balik-manggagawa, mga patungong United Kingdom at ide-deploy sa ilalim ng government to government agreement sa Germany at mga re-hire.
Ang pagtatakda ng deployment cap na ito ay upang matiyak na may sapat na health workers sa bansa sa gitna ng nagpapatuloy pang laban sa Covid-19 Pandemic.
Madz Moratillo