Deployment ng mga piskal at auditors bilang deputy ombudsmen sa mga ahensya ng gobyerno, target simulan sa Setyembre
Plano na maumpisahan sa Setyembre ang implementasyon ng kasunduan ng DOJ, COA, at Office of the Ombudsman ukol sa pagtatalaga ng mga piskal at auditor sa mga graft-proned agencies ng gobyerno.
Ito ang tugon ni Justice Sec. Menardo Guevarra sa katanungan kung hindi ba prayoridad ang implementasyon ng kasunduan sa harap na rin ng mga audit reports ng COA ukol sa deficiencies.
Sang-ayon ang kalihim na “good starting point” ang annual report ng COA para sa deployment ng mga piskal at auditors sa iba’t ibang ahensya bilang deputy ombudsmen.
Sinabi ng kalihim na sa ngayon ay hindi muna iimbestigahan ng deputy ombudsmen ang mga discrepancies sa paggamit ng mga pondo partikular ng DOH na pinuna ng COA.
Susundin aniya nila ang Ombudsman at hahayaan muna sa ngayon ang mga kinauukulang ahensya na sagutin at tugunin ang mga rekomendasyon ng COA.
Una nang inihayag ni Guevarra na mas makagagawa ng epektibong aksyon sa paglaban sa katiwalian ang Task Force Against Corruption kapag magkaroon ng deputized resident ombudsmen sa mga tanggapan ng gobyerno.
Moira Encina