Deployment suspension sa Kuwait, tuloy
Nakahanda ang bagong upong Philippine Overseas Employment Administration o POEA Administrator Bernard Olalia na sagupain ang mga pagsubok na kinakaharap ng ahensya.
Sa panayam ng DZEC Radyo Agila kay Administrator Bernard Olalia, pangangalagaan at aasikasuhin aniya ng POEA ang mga pangangailangan ng mga overseas filipino workers o OFWs gaya ng ibinilin sa kaniya ni Labor secretary Silvestre Bello III.
Kasabay nito, nilinaw ni Olalia nasa harap ng umiiral na deployment ban sa Kuwait, malayang makababalik sa Kuwait ang mga returning OFWs at mga kababayan nating nagbakasyon sa Pilipinas at kasalukuyang nagtatrabaho sa nasabing bansa.
Ang hindi lamang papayagan ay ang mga bagong aplikante at hindi pa naiisyuhan ng Overseas Employment Certificate o OEC.
Sinabi rin ni Olalia na patuloy na tumatanggap ang POEA ng mga aplikante na nagnanais magtrabaho sa ibang bansa sa ilalim ng government to government scheme.
Bukas aniya para sa mga Pilipino ang mga bansang Japan, New Zealand, Germany at Saudi Arabia para maghanapbuhay.
Nilinaw rin ni Olalia na sa nasabing sistema, walang agency na papasukan at wala ring babayarang placement fee,
Dapat lamang magtungo sa POEA upang hindi mabiktima ng mga panloloko.
=== end ===