Deputy Court Admin Raul Villanueva, itinalagang OIC kasunod ng appointment ni Marquez bilang SC Justice
Nagtalaga ang Korte Suprema ng OIC sa Office of the Court Administrator kasunod ng pagkakahirang kay Court Administrator Jose Midas Marquez bilang bagong associate justice.
Sa memorandum order na inisyu ni Chief Justice Alexander Gesmundo, inilagay na OIC ng OCA si Deputy Court Administrator Raul Villanueva hanggang sa may maitalagang regular court administrator.
Sinabi naman ni Supreme Court Spokesperson Atty. Brian Keith Hosaka na sa ilalim ng batas na lumikha sa OCA, ang punong mahistrado ang humihirang sa court administrator.
Pero, bilang tradisyon aniya ay kinukuha rin ng chief justice ang imprimatur o permiso ng iba pang mahistrado ng Supreme Court kaugnay sa mapipiling court administrator.
Ang court admin ang nangangasiwa sa lahat ng judges at court personnel, at maging sa halls of justice at court houses.
Bago mahirang na SC Justice, nagsilbing court administrator si Marquez sa loob ng mahigit isang dekada o mula noong Enero 2010.
Samantala, naniniwala naman si Chief Justice Alexander Gesmundo na makatutulong ang matagal na paninilbihan ni Marquez bilang court admin para sa pagrebyu at mga balak na innovations sa mga operasyon ng lower courts.
Moira Encina