Deputy Speaker Johnny Pimentel, handang magresign sakaling mapatunayang may isiningit sila sa 2020 proposed National Budget
Posibleng nabiktima lamang ng fake news si Senador Panfilo Lacson….
Ito ang mariing ipinahayag ni Deputy Speaker Johnny Pimentel kaugnay sa ibinunyag ni Lacson na muling nakapagsingit ng kanilang pork barrel ang mga Kongresista sa inaprubahang panukalang 4.1 trilyong pisong General Appropriations Bill para sa 2020.
Pero kalahati lamang ito ng hinihinging 1.5 bilyong piso ng bawat Deputy Speakers na katumbas ng 16 billion at 700 milyong piso naman sa bawat mambabatas.
Ayon kay Pimentel, disinformed ang resource person ni Senador Lacson dahil wala aniyang katotohanan ang mga alegasyon nito.
Nalulungkot aniya silang mga Kongresista dahil natabunan ng mga alegasyon at fake news ang pagsisikap nilang maisumite ang pambansang pondo sa maiksing panahon lamang dahil sa pangyayari.
Hamon ni Pimentel, nakahanda siyang magbitiw sa puwesto sakaling mapatunayang may isiningit silang 1.5 bilyong piso sa National Budget.
“Wala ho talagang pinlano ang Kongreso, wala hong dinagdag sa budget. Kung ano ang isinumiteng budget sa Presidente ay ganun po ang inaprubahan. Yung sinasabi rin niyang 700 milyong piso sa bawat Kongresista, nung kinompute namin ay aabot ng 210 bilyong piso. Eh san natin kukunin yung halagang yun? Yungnagsabi sa kaniya ay misinformed. Sakaling may makita silang 1. 5 bilyong piso, eh magreresign ho ako”.