Designated Survivor Bill inihain sa Senado
Nais ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na magtalaga ng Acting President sakaling magkaroon ng trahedya at mamatay ang nakaupong Presidente ng bansa gaya ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa Senate Bill 982 ni Lacson, nais nitong makatiyak na hindi mapaparalisa ang gobyerno at magpapatuloy ang matatag na operasyon ng pamahalaan sakaling magkaroon ng terrorist attack, major disaster o iba pang “exceptional circumstances” na kung saan napatay o permanenteng nadisgrasya ang pangulo at mga opisyal na itinakda sa Saligang Batas na papalit sa naka-upong Chief Executive.
Itinulad ito sa sikat na palabas sa Amerika na Designated Survivor kung saan namatay sa pagsabog ang lahat ng opisyal ng gobyerno mula Senador hanggang Kongresista habang nagsasagawa ng SONA ang Pangulo.
Sa kasalukuyang batas, kabilang sa line of succession ang Vice-President, Senate President at House speaker.
Kapag namatay o nagkaroon ng permanenteng disability ang lahat ng mga nakaupo sa naturang posisyon, dapat may nakatalagang “Acting president” o aaktong Pangulo.
Ilan sa maaaring pagpilian ang Most Senior senator batay sa haba ng kaniyang serbisyo sa Senado, pinaka-senior na Kongresista depende ng haba ng serbisyo sa Kamara o kayay miyembro ng gabinete na itatalaga ng Pangulo.
Nakatakda din sa panukala na kapag may public o private activity ang Pangulo, pangalawang Pangulo at mga miyembro ng Kongreso, magtatalaga ang presidente ng isang miyembro ng gabinete na itatago sa isang sekreto at ligtas na lugar.
Sabi ni Lacson, madalas tuwing SONA nasa iisang gusali ang mga opisyal ng gobyerno kaya dapat magtalaga ng agad mamumuno sakaling makaroon ng terror attack o trahedya.
Mananatili sa pwesto ang isang designated survivor sa loob ng 90 araw o kapag nakapagpatawag na ng special elections at nakapagluklok na ang taumbayan ng hahalili sa pwesto.
Ulat ni Meanne Corvera