Desisyon ni Pangulong Duterte na ibalik sa pwesto si dating PNP- CIDG Region 8 Supt. Marvin Marcos, kinondena ng mga Senador
Kinondena ng mga Senador ang desisyon ni Pangulong Duterte na ibalik sa pwesto si dating PNP-CIDG Region 8 Supt. Marvin Marcos at labingwalong iba pa na suspek sa pagpatay kay dating Albuera Leyte Mayor Rolando Espinosa.
Nanggagalaiti sa galit si Senador Panfilo Lacson at hindi na naiwasan ang mapamura matapos matanggap ang impormasyon na “back on duty status na si Marcos.
Ayon kay Lacson, Chairman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs malinaw naman sa imbestigasyon noon ng Senado na planado ang pagpatay kay Espinosa.
Babala naman ni Senador Sherwin Gatchalian, lalo lamang itong magpapalakas sa loob ng mga police scalawags sa hanay ng Phllippine National Police.
Isa aniya itong masamang senyales sa Police force dahil tila kinakampihan pa ang mga pulis na nagkasala sa batas.
Inupakan rin ni Gatchalian ang desisyon na italaga si Marcos sa Region 12 at iginiit ang Mindanao ay hindi tapunan ng tiwaling pulis.
Dapat aniyang sinibak si Marcos at sinampahan ng kaso ng pamunuan ng PNP sa halip na italagang muli sa pwesto.
Ulat ni: Mean Corvera