Detention facility sa Taguig ininspeksyon
Personal na ininspeksyon ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang kanilang detention facility sa Taguig.
Ito ay para makita kung mahigpit ang ipinatutupad na seguridad ng mga bagong team na itinalaga sa pasilidad.
Una rito, sinibak ni Tansingco ang hepe at 35 iba pang tauhan sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa matapos makita sa ginawang surprise raid noong Enero 30 kung saan may mga nakuhang cellphone at iba pang gadgets, pera, sigarilyo at matutulis na bagay sa loob ng piitan.
Nabatid na pinapayagan naman ang paggamit ng cellphone ng mga nakapiit na dayuhan para makipag ugnayan sila sa mga opisyal ng kanilang embahada, abogado o pamilya pero ng mga panahong iyon ay walang pinayagang makagamit ng telepono.
Sa nasabing inspeksyon, aminado si Tansingco na maraming kailangang ayusin sa pasilidad.
Para sa mas epektibong pagbabantay, pinaghiwalay na rin ang lugar ng mga dayuhang pugante at iba pang deportee.
Para sa mga pugante kailangan aniya ng mas mahigpit na security at regulasyon.
Binalaan naman ni Tansingco ang mga mapapatunayang sumablay sa trabaho na mahaharap sa parusa.
Madelyn Villar-Moratillo