Detention sa NBI ng co-mastermind sa Degamo murder, may batayan ayon sa DOJ
Handa ang Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) na sagutin ang petisyon sa Korte Suprema na inihain ng kampo ng sinasabing isa sa mga utak sa Degamo murder na si Marvin Miranda.
Ito ay kasunod ng utos ng Supreme Court First Division na magkomento ang NBI sa hirit na writ of habeas corpus, release order at protection order ng panig ni Miranda.
Iginiit ni DOJ Spokesperson Assistant Secretary Mico Clavano na may batayan ang patuloy na pananatili sa piitan ni Miranda.
Aniya, tinugis at inaresto si Miranda ng mga otoridad dahil sa una pa lang ay binabanggit na ang pangalan nito ng ibang mga suspek sa Degamo killing.
Bukod dito, sinabi ng opisyal na may mga kaso nang isinampa laban kay Miranda sa hukuman kaya may basehan ang pagkakakulong nito.
Paliwanag pa ni Clavano, ang writ of habeas corpus petition ay inihahain kung hindi batid ang rason ng pagkakaditene ng isang indibiduwal.
Moira Encina