Development budget coordination committee ng DBM tutol sa suspensyon ng excise tax sa mga imported na oil products
Walang magandang maidudulot sa ekonomiya ng bansa ang panukalang suspensiyon ng paniningil ng gobyerno sa excise tax sa mga inaangkat na produktong petrolyo.
Ito ang paninindigan ng Development Budget Coordination Committee ng Department of Budget and Management o DBM.
Sinabi ni Budget Undersecretary Rolando Toledo na mawawalan ang gobyerno ng 117 bilyong piso o katumbas ng point 5 percent ng Gross Domestic Product o GDP kung ititigil ang pangongolekta ng excise tax sa mga imported oil products.
Ayon kay Toledo,lalong lolobo ang budget deficit ng bansa sa planong suspensiyon ng excise tax sa langis dahil walang ibang opsiyon ang pamahalaan kundi mangungutang para maibigay sa publiko ang kailangang social services.
Inihayag ni Toledo sa halip na suspensiyon ng buwis sa produktong petrolyo iminumungkahi ng Developmet Budget Coordination ng DBM ang pagsusulong ng targeted relief assistance sa pamamagitan ng pagbibigay ng ikalawang bugso ng fuel subsidy sa mga apektadong sektor.
Ang suspensiyon ng excise tax sa mga imported oil products ay inirekomenda ng National Economic Development Authority o NEDA kay Pangulong Rodrigo Duterte bilang bahagi ng mitigating measures upang maibsan ang epekto ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa dulot ng kaguluhan sa Ukraine.
Vic Somintac