DFA binabantayan ang sorpresang bisita ni US House Speaker Nancy Pelosi sa Taiwan
Mahigpit na minu-monitor ng gobyerno ng Pilipinas ang mga kaganapan ukol sa sorpresang pagbisita ni US House Speaker Nancy Pelosi sa Taiwan.
Ito ay sa harap ng babala mula sa White House na nagpaplano ang China ng military provocations sa Taiwan Straits bilang pagtutol sa pagbisita ni Pelosi sa Taiwan.
Inaangkin ng Tsina na teritoryo nito ang Taiwan na self-ruled na isla.
Walang diplomatic relations ang US sa Taiwan sa halip ay sa Tsina.
Sinabi ni DFA Spokesperson Assistant Secretary Ma. Teresita Daza na mahalaga na matiyak ng US at China na nagpapatuloy ang komunikasyon sa pagitan nito upang maiwasan ang anumang “miscalculation” at lalo pang pagtindi ng tensyon.
Tiwala naman ang DFA na magiging responsable ang Tsina at US sa rehiyon.
Wala namang tugon ang DFA kung totoo ang mga ulat na lalapag sa Clark International Airport ang eroplanong sinasakyan ni Pelosi bago ito tumungo sa Taiwan.
Una nang inihayag ng China na mapanganib at provocative ang gagawing pagbisita ng mataas na opisyal ng Amerika sa Taiwan.
Si Pelosi ay una nang lumapag sa Singapore at Malaysia bilang bahagi ng kaniyang pagbisita sa Asya.
Nakatakdang magtungo rin ang US official sa South Korea at Japan.
May mga ulat na bibisita sa Taipei ang opisyal pero walang kumpirmasyon ang US.
Moira Encina