DFA iprinotesta ang apat na buwan na fishing ban ng Tsina sa South China Sea
Naghain ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng diplomatic note para iprotesta ang apat na buwang fishing ban ng China sa South China Sea.
Ayon kay DFA Spokesperson Ma. Teresita Daza, regular na ipinuprotesta ng kagawaran ang taunang fishing moratorium ng China.
Kinontra ng DFA ang ban dahil kasama rito ang maritime zones ng bansa, kung saan may soberenya at hurisdiksyon ang Pilipinas sa sakop ng pagbabawal ng China.
Iginiit ng Pilipinas na ang fishing ban ay nagpapalala ng tensyon sa West Philippine Sea at South China Sea.
Direkta rin anilang sinasalungat nito ang pagkakaunawaan sa pagitan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., at ni Chinese President Xi Jinping, na tugunan ang mga pagkakaiba sa pamamagitan ng diplomasya at dayalogo at pahupain ang sitwasyon sa karagatan.
Sa tala ng DFA, umaabot na sa 25 ang diplomatic protests ng Pilipinas laban sa China ngayong 2024.
Kabuuang 158 protesta naman ang naisampa na ng DFA sa ilalim ng Pamahalaang Marcos.
Moira Encina