DFA kinatigan ang pahayag ng PCG ukol sa laser incident sa Ayungin Shoal
Pinanindiganan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pahayag ng Philippine Coast Guard (PCG) ukol sa pagsilaw sa mga ito ng laser ng China Coast Guard sa Ayungin Shoal noong Pebrero 6.
Ang pahayag ay ginawa ng DFA kasunod ng pagtanggi ng China na ginamitan nito ng military-grade laser ang mga Pinoy crew.
Una nang sinabi ng PCG na nagdulot ng temporary blindness sa mga tauhan ng BRP Malapascua ang laser incident habang ito ay nasa resupply mission sa Ayungin Shoal.
Sinabi ni DFA Spokesperson Ma. Teresita Daza na walang rason ang kagawaran para pagdudahan ang salaysay ng PCG sa pangyayari.
Muli aniyang inulit ng focal person ng Pilipinas sa counterpart nito sa Tsina na nagsasagawa ng lehitimong aktibidad ang PCG sa exclusive economic zone ng Pilipinas.
Ipinahayag din aniya ng focal person ang pagkadismaya ng Pilipinas sa insidente at nanawagan sa Tsina na itigil ang mga nasabing aksyon.
Moira Encina