DFA naghain ng diplomatic protest sa Chinese Embassy kaugnay sa laser incident sa Ayungin Shoal
Kinondena ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga agresibong aktibidad ng Chinese Coast Guard laban sa mga barko ng Pilipinas sa Ayungin Shoal.
Pangunahin na rito ang panunutok ng laser light ng barko ng China Coast Guard na nagdulot ng pansamantalang pagkabulag ng mga Pinoy crew ng BRP Malapascua ng Philippine Coast Guard.
Iprinotesta ng DFA sa Embahada ng Tsina ang paggamit ng military- grade laser devices ng China Coast Guard sa mga miyembro ng Philippine Coast Guard noong Pebrero 6 sa Ayungin Shoal.
Inihain ng DFA ang diplomatic protest sa Embahada ng Tsina nitong Martes, Pebrero 14.
Bukod sa pagtutok ng laser light sa crew ng BRP Malapascua, sinabi ng DFA na nagisyu rin ang Chinese coast guard ng illegal radio challenges sa PCG vessel na nagdidemanda na umalis ito sa lugar.
Gayundin, ang “dangerous maneuvers” ng Chinese vessel sa pamamagitan ng sobrang paglapit sa BRP Malapascua na nagbadya ng kolisyon na nagsapanganib sa buhay ng Pinoy crew.
Iginiit ng DFA sa diplomatic protest na banta sa soberenya at seguridad ng Pilipinas bilang estado at pagsagka sa sovereign rights at hurisdiksyon sa exclusive economic zone nito ang mga ginawang harassment ng barko ng China Coast Guard laban sa BRP Malapascua.
Nanindigan si DFA Spokesperson Ma. Teresita Daza na may karapatan ang Pilipinas na magsagawa ng mga lehitimong aktibidad sa loob ng exclusive economic zone at continental shelf nito.
Binigyang-diin ng opisyal na walang law enforcement rights at powers ang Tsina sa Ayungin Shoal o sa alinmang bahagi ng EEZ ng Pilipinas.
Idinagdag pa ni Daza na ang mga agresyon ng Tsina ay nakakadismaya at nakakabahala lalo na’t ito ay kasunod ng Beijing state visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Enero kung nagkasundo ito at President Xi Jinping na reresolbahin ang mga maritime issue sa pamamagitan ng diplomasya at dayalogo.
Nanawagan ang DFA spokesperson sa Tsina na tumugon sa obligasyon nito sa ilalim ng international law at atasan ang mga barko nito na ihinto at iwasan ang mga agresibong aktibidad sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas.
Sa pinakahuling bilang, kabuuang walo na ang note verbale o diplomatic action na naihain na ngayong taon ng DFA kaugnay sa mga insidente sa West Philippine Sea.
Samantala, idinipensa naman ng Tsina ang laser incident.
Ayon kay Chinese Foreign Ministry Spokesperson Wang Wenbin, parte ng Nansha Islands ng Tsina ang Ren’ai Reef.
Inakusahan pa ni Wang na nanghimasok ang BRP Malapascua ng PCG sa Ren’ai Reef nang walang pahintulot mula sa China.
Aniya, umakto ng “professional” at “restrained” na paraan ang China Coast Guard at ang aksyon nito ay alinsunod sa domestic law ng Tsina at international law tulad ng UNCLOS.
Umaasa aniya ang Tsina na gagalangin ng Pilipinas ang soberenya at ang maritime rights at interesta nito sa South China Sea at umiwas sa anumang aksyon na makapagpapalala sa sitwasyon.
Moira Encina