DFA naglabas na ng babala sa mga Pinoy na nasa Israel; Contingency plan para sa paglilikas, nakahanda na
Naghahanda na ang Pilipinas para sa paglilikas ng mga Filipinong nais umuwi ng bansa dahil sa umiinit na bakbakan sa pagitan ng Israeli forces at Hamas militants sa Gaza.
Itinaas na rin ng Department of Foreign Affairs sa Alert Level 1 ang babala sa mga Pinoy sa Israel at West Bank habang Alert Level 2 sa Gaza.
Sa kasalukuyan ay umaabot sa mahigit 29,000 ang mga Filipino na nasa Israel at 91 naman sa Gaza.
Sa Alert Level 1, hindi pa kailangang ilikas ang mga Pinoy sa lugar pero pinapayuhan silang mag-ingat dahil sa nangyayaring kaguluhan.
Sa ilalim naman ng Level 2 ay pinalilimitahan ang kanilang pagkilos at pinapayuhang iwasan ang mga matataong lugar lalo na ang mga lugar na may protesta.
Kinakailangan rin nilang maghanda sakaling kailanganin nang lumikas.
Ayon sa DFA, mayroong Contingency plan ang mga Embahada ng Pilipinas sa Tel Aviv, Amman at Cairo para tulungan ang mga Pinoy na kakailanganing ilikas.
Wala pa namang iniulat na Pinoy na nadamay o nasaktan sa halos dalawang linggong bakbakan ng magkabilang panig na ikinamatay na ng mahigit 200 Palestinian at 12 Israeli.
Meanne Corvera