DFA nanindigan na parte ng exclusive economic zone ng Pilipinas ang Ayungin Shoal
Malaya umano ang mga Pinoy fishermen na mangisda sa Ayungin Shoal.
Ito ang ipinunto ng Department of Foreign Affairs (DFA) kasunod ng insidente sa Ayungin Shoal kung saan sinasabing tinaboy ng China Coast Guard ang ilang mangingisdang Pilipino sa lugar.
Ayon kay DFA Spokesperson Ma. Teresita Daza, parte ng exclusive economic zone at continental shelf ng Pilipinas ang Ayungin Shoal.
Aniya, mula 1995 ay mayroon nang permanenteng presensya ang Pilipinas sa Ayungin Shoal sa pamamagitan ng pagkomisyon sa naval vessel na BRP Sierra Madre.
Sa ngayon ay hinihintay pa ng DFA ang mga opisyal na report ng militar at ng iba pang otoridad sa insidente sa pagitan ng China Coast Guard at Pinoy fishermen.
Ibabatay ng DFA ang diplomatic action nito sa matatanggap nitong report sa pangyayari.
Sinabi ni Daza na mahigpit na binabantayan ng DFA ang mga kaganapan sa West Philippine Sea kasunod ng pag-uusap nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Chinese President Xi Jinping sa pagbisita nito sa Tsina kamakailan.
Matatandaan tiniyak ni President Xi kay Pangulong Marcos na mapayapang makapangingisda ang mga Pinoy sa pinagaagawang teritoryo.
Nagdeploy na ang Philippine Coast Guard ng karagdagang patrol ships sa lugar kasunod ng insidente.
Moira Encina