DFA: Pagbisita ni PBBM sa Japan, itinakda sa Peb. 8-12
Bibiyahe patungong Japan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa susunod na linggo para sa official working visit.
Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Assistant Secretary for Asian and Pacific Affairs Neal Imperial, nakatakda ang
ang pagbisita sa Japan ni Pangulong Marcos sa Pebrero 8 hanggang 12.
Ito ang unang pagpunta sa Japan ni BBM mula nang manungkulan kasunod ng imbitasyon ni Japan Prime Minister Fumio Kishida.
Sinabi ni Imperial na itinuturing ng DFA na “consequential” ang Japan visit ng presidente.
Ang Japan aniya ang unang bansa na nagkaroon ng strategic partnership ang Pilipinas.
Bukod dito, ang Japan aniya ang tanging bansa na may bilateral free trade agreement ang Pilipinas.
Noong 2021 din aniya ang Japan ang ikalawang pinakamalaking trading partner ng Pilipinas.
Ang nasabing bansa rin ang third largest na export market at ikalawang top source ng import ng Pilipinas,
Inihayag ng DFA official na pitong kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Japan ang inaasahang malalagdaan sa official visit ni PBBM.
Ilan sa mga ito ay may kaugnayan sa mga kooperasyon sa agrikultura, depensa, infrastructure development,at information and communications technology.
Makakasama ng presidente si First Lady Liza Araneta- Marcos, Congresswoman Gloria Macapagal- Arroyo, Senate President Juan Miguel Zubiri at House Speaker Martin Romualdez.
Parte rin ng delegasyon sina Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, Trade Secretary Alfredo Pascual, Finance Secretary Benjamin Diokno, Energy Secretary Raphael Lotilla, at Tourism Secretary Christina Frasco.
Kabilang din sa delegasyon sa Japan visit ang nasa 150 Pilipinong negosyante.
Moira Encina