DFA patuloy na ipinuprotesta ang iligal na presensya ng Tsina sa mga karagatang sakop ng Pilipinas
Umaabot na sa 77 ang diplomatic protests na inihain ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Tsina sa ilalim ng Gobyernong Marcos kaugnay sa mga insidente sa West Philippine Sea.
Sampu sa diplomatic protests ay inihain ngayong taon lamang.
Noong 2022 naman ay kabuuang 195 note verbale ang isinumite ng Pilipinas dahil sa mga paglabag ng Tsina.
Sinabi ni DFA Spokesperson Ma. Teresita Daza na patuloy na ipinuprotesta ng Pilipinas ang walang tigil at iligal na presensya ng mga barko ng China sa mga karagatan sa teritoryo ng Pilipinas.
Ang pahayag ay kasunod ng ulat ng Philippine Coast Guard (PCG) na hindi bababa sa 26 na Chinese Maritime Militia vessels ang namataan sa Ayungin at Sabina Shoals noong Pebrero 21.
Ang nasabing presensya ng mga barko ng Tsina sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas ay kasunod ng laser insident sa Ayungin Shoal noong Pebrero 6 na kinondena ng U.S., Japan, at iba pang mga bansa.
Una nang iginiit ng DFA sa protesta sa laser incident na banta sa soberenya at seguridad sa lugar ang ginagawa na harassment ng Chinese vessels at wala ang mga ito na kapangyarihan na magpatupad ng batas sa EEZ ng Pilipinas.
Moira Encina