DFA tinanggihan ang hiling ng Senado para imbitahan ang ICC
Bigo ang Senado na maimbitahan ang mga prosecutors ng International Criminal Court (ICC) para magpaliwanag sa pagdinig sa mga resolusyong nagdidepensa kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa isyu ng war on drugs sa Pilipinas.
Ito’y matapos tanggihan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang hiling ng Senado na magsilbi itong liaison at ipadala ang imbitasyon sa ICC para sa isang dati at kasalukuyang prosecutor nito.
Kabilang sa nais imbitahan ng Senado para dumalo sa pagdinig sina Karim Khan at Fatou Bomm Bensouda ng ICC para alamin ang pakay ng pagpupursige nilang imbestigahan ang umano’y mga kaso ng extra judicial killings gayong kumalas na ang Pilipinas sa Rome Statute.
Si Khan ang kasalukuyang nag-i-imbestiga sa alegasyon ng crime against humanity laban kay dating Pangulong Duterte at Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa.
Si Khan ang pumalit kay Bensouda na nagretiro na sa ICC noong June 2021.
Sinabi ni Senador Francis Tolentino na sumulat sa Senado ang DFA para tanggihan ang request ng komite sa ICC dahil mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na umano ang nagsabing itigil ang lahat ng pakikipag-ugnayan sa ICC.
Sa liham, sinabi ng DFA na inirerespeto nila ang posisyon ng Malacañang dahil matagal nang kumalas ang Pilipinas sa organisasyon.
Nanghihinayang naman si Tolentino dahil ito rin aniya ang pagkakataon upang ipaalam sa ICC ang ginagawang mga imbestigasyon ng gobyerno sa nangyaring war on drugs at kung gaano karami ang nakasuhan dahil sa mga insidente ng pagpatay.
Meanne Corvera