DFA walang inisyung alert level o travel advisory sa South Korea
Hindi nagpalabas ng alert level at travel advisory ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa South Korea sa kabila ng tensyong politikal sa nasabing bansa kasunod ng maikling martial law doon.
Ayon kay Foreign Affairs Undersecretary Eduardo De Vega, hindi pinagbabawalan ng DFA ang mga Pilipino na bumiyahe papuntang South Korea dahil wala namang panganib.
Gayunman, pinaalalahan ni De Vega ang mga Pinoy na nais na pumunta sa South Korea na lahat ay puwedeng mangyari lalo na’t palaging may tensyon doon bunsod ng politika.
Samantala, sinabi ni De Vega na nanatiling kalmado ang mga Pinoy sa South Korea nang ideklara ang batas militar doon dahil batid ng mga ito ang “peculiar conditions” bunsod ng alitan nito sa North Korea.
Sa tala ng DFA, nasa 78,000 ang mga Pilipinong naninirahan at nagtatrabaho sa SoKor.
Ayon pa kay De Vega, hindi nangangahulugan na kapag may martial law sa SoKor ay paaalisin ang mga dayuhang manggagawa doon dahil kailangan ang mga ito.
Resilient din aniya ang mga Pinoy kaya hindi sila masyado na nababahala sa kalagayan ng mga ito.
Tiniyak din ni Vega na sakaling maulit ang martial law doon ay palagi namang nakikipagugnayan ang embahada ng Pilipinas at ang labor attache ng DMW sa mga Pinoy leaders doon.
Mabuti rin aniya ang diplomatikong relasyon ng Pilipinas at South Korea.
Moira Encina-Cruz