DIABETES
Magandang araw mga kapitbahay! Dahil yata sa ang mga pagkain ngayon ay sobrang sarap kaya napaparami ang nakakain natin, kaya ang resulta dumarami ang nagiging overweight at obese, tapos, sedentary lifestyle, walang exercise kulang sa physical activity, couch potato, kaya ang resulta, nauuwi sa iba-ibang sakit gaya ng diabetes.
Inalam natin mula sa isang Endocrinologist ang mga karagdagan pang impormasyon ukol sa diabetes, at narito ang mga naging pahayag ni Dr. Imelda Antonio ….
Maraming sintomas na pwedeng may diabetes ang isang tao at ilan sa mga ito ay palaging nauuhaw o uhaw na uhaw, ihi ng ihi, nahuhulog ang katawan o pumapayat.
Maraming kumplikasyon ang diabetes sabi ni Doc Imee. Merong tinatawag na acute complication at ‘yung long term o chronic complication. Kapag sinabing acute complication, sila ‘yung mga naoospital na pasyente dahil sa sobrang taas ng sugar, sobrang natuyuan ang pasyente at parang nag-iiba ang pag-iisip. Ang tawag dito ay DKA, diabetic ketoacidosis.
Ang chronic complication naman ay long-term, kapag nanlalabo ang paningin hanggang sa mabulag at ang most common complication na ikinamamatay ay heart attack.
Kung titingnan, ang diabetes ay tungkol sa blood sugar. Pero bakit ang kumplikasyon ay heart attack o stroke? Ito ay dahil sa ang pagtaas ng sugar ay nagkakaron ng pagtaas sa cholesterol at kapag mataas ang cholesterol nadedeposit ito sa mga ugat kaya nagkakaroon ng mga pagbara ng mga ugat. Kung ito ay sa puso ang resulta ay heart attack, kung nagbara naman sa utak, pwedeng mauwi sa stroke.
Naitanong natin kay Doc Imee kung bakit nga ba matagal gumaling ang sugat ng mga may diabetes? Ang sabi niya, hindi lahat ng mga pasyenteng may diabetes ay ganun, lalo na’t kung kontrolado naman ang blood sugar. ‘Yun nga lang sa maraming pasyente na may diabetes na hindi kontrolado ang blood sugar, nagiging sluggish o nagiging mabagal ang daloy ng dugo, kaya hindi maganda ang circulation.
Sa ngayon, ang Type 2 diabetes ay makikita na sa mga batang edad trese. Habang ang type 1 diabetes ay nakikita sa mas batang edad. Kapag sinabing type 1, hindi nakagagawa ang katawan ng insulin. Kailangan pa naman natin ng insulin para gawing enerhiya ng katawan ang asukal o glucose na nakukuha natin mula sa ating kinakain. Ang Type 2 diabetes naman, ang ating katawan ay hindi nakagagawa o hindi maaayos na nagagamit ang insulin at kinakailangan pang uminom ng pills o ng insulin para makontrol ang diabetes, at ito ang pinaka karaniwang uri ng diabetes.
Isa pang factor sa pagkakaron ng diabetes ay namamana ito o nasa lahi. Ang diabetes ay dalawang bagay ang pinanggagalingan, kung may genetic predisposition at kung lifestyle ay hindi maganda. When we talk about lifestyle, sabi ni Doc Imee, ibig sabihin ay involve ay diet, increased physical activity, and weight management. Kaya ang isang overweight o obese na tao ay napakalaki ng possibility para magka diabetes.
Thank you po, Doc Imee, sa mga impormasyong ito tungkol sa diabetes.
Kaya nga mga kapitbahay, always eat in moderation, maging bahagi na ng ating daily activity ang exercise, mas piliin ang gulay, prutas, isda. Iwas sa mga matatabang pagkain, maaalat at matatamis. Sumunod tayo sa payo ng inyong mga duktor.