DICT at NTC, pinakikilos para resolbahin ang talamak na text scams
Pinakikilos ni Senador Grace Poe ang Department of Information and Communications Technology at National Telecommunications Commission para resolbahin ang talamak na text scams.
Ayon kay Poe, nakatanggap rin siya ng text messages mula sa prepaid mobile numbers na nag- aalok ng trabaho, dagdag na pagkakakitaan, insentibo at mga papremyo.
Sinabi ng Senador sa kabila ng direktiba ng NTC sa mga telecommunication companies, patuloy ang pagkalat ng ganitong mensahe na ang target ay makapangloko ng kanilang kapwa.
Hindi aniya dapat hayaang patuloy na pagsamantalahan ng mga manloloko at mga sindikato ang ating mga kababayan na lugmok na dahil sa pandemya na ngayon ay apektado pa ng mataas na presyo ng mga bilihin dahil sa oil price hike.
Hiniling naman ni Poe sa mga kapwa mambabatas na muling talakayin sa susunod na Kongreso ang Sim Card Registration bill para protektahan ang milyon milyong mobile phone users.
Pinagtibay na ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang panukala pero vineto ito ni Pangulong Duterte dahil sa probisyon na nag-oobliga para iparehistro rin ang mga social media accounts ng sinumang mobile phone users.
Meanne Corvera