Digital portal para sa Bar exams application, ilulunsad sa Hulyo 15
Hindi na kailangan na magtungo sa Office of the Bar Confidant sa Korte Suprema sa Maynila ang mga nais na maghain ng aplikasyon para sa darating na bar examinations.
Ito ay dahil gagawin ng digital o online ng Supreme Court ang aplikasyon para sa bar exams.
Ayon kay 2020/2021 Bar Exams Committee Chair at Associate Justice Marvic Leonen, ilulunsad sa Hulyo 15 ang digital portal para sa bar exams application na tinatawag na “Bar PLUS (Personal Login Unified System).”
Sa nasabing araw din ay maaari nang maghain ng aplikasyon ang mga nais na kumuha ng pagsusulit.
Makikita ang Bar PLUS sa website ng Korte Suprema.
Sinabi ni Leonen na ginawa ang portal ng sariling Management Information Systems Office ng SC.
Sa oras aniya na maaprubahan ng Korte Suprema ang aplikasyon ay makatatanggap ng email verification ang bar applicant.
Kapag naging opisyal na aplikante na aniya ang law student ay may laya na itong makapili kung saan na local testing sites ito kukuha ng bar exams.
Bibigyan din aniya ng SC ang bar applicants ng libreng software na gagamitin mismo sa bar examinations para hindi na ito bumili pa.
Obligado naman ang mga aplikante na magsanay sa paggamit ng nasabing software sa pamamagitan ng pagsagot sa mock bar exams na kanilang ida-download sa isang website.
Sinabi ni Leonen na hindi nila papayagan na kumuha ng bar exams ang hindi magsasanay o sasagot sa mock bar.
Ang bar exams sa Nobyembre ay ang kauna-unahang localized, digitalized at proctored bar exams na isasagawa sa bansa.
Moira Encina