Dignidad at Disiplina, dapat manatili sa puso ng isang kagawad ng pulis – PPSC Pres. Ricardo de Leon
Sariling displina ang kailangan upang maging ganap ang pagiging isang huwarang kagawad ng pulis.
Ito ang naging tugon ni Retired General Ricardo de Leon sa pahayag ng Philippine National Police o PNP Chief Director Ronald “Bato” Dela Rosa na ibalik na mismo sa PNP ang pagsasanay ng kanilang mga tauhan.
Sa panayam ng Agila Balita, sinabi ni De Leon na syang Presidente ng Philippine Public Safety College o PPSC na hindi lamang supervision, leadership at skills ang sinasanay sa pagiging isang pulis kundi maging ang kanilang dignidad sa paglilingkod sa bayan.
Binigyang diin ni De Leon na alam ng mga pulis na sinasanay sa PPSC ang kahulugan ng S.E.R.V.I.C.E. o ang Servanthood, Excellence, Responsibility, Valuing other People, Integrity, Courage at Empower the Community na isa sa kanilang mga core values.
Bukod pa aniya ito sa itinuturo sa kanilang Code of Conduct at ang kahulugan ng kanilang Badge of Honor.