“Dignified image” ng DOJ, pinababalik ni Pangulong Duterte kay bagong Justice secretary Menardo Guevarra
Nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibalik ni bagong Justice Secretary Menardo Guevarra ang ‘Dignified image’ ng DOJ.
Ayon kay Guevarra, ito ang utos sa kanya ng pangulo sa kanyang pag-upo bilang kalihim ng DOJ kapalit ng nagbitiw na Justice secretary Vitaliano Aguirre.
Aminado si Guevarra na overwhelmed siya sa tiwala sa kaniya ng Presidente.
Hindi aniya siya madalas makita ni Duterte pero ipinagkatiwala nito ang isang sensitibong puwesto sa kanya.
Mamamalagi muna si Guevarra sa Office of the President ng ilang araw bago mag-opisina sa DOJ para tapusin ang ilan pang trabaho doon.
Isa sa mga unang kontrobersya sa DOJ sa ilalim ni Aguirre ay ang pagtanggap ng suhol ng dalawang Immigration deputy commissioners mula sa gambling tycoon na si Jack Lam.
Nabatikos si Aguirre sa pagkakadawit ng dalawang BI officals na ka-brod at appointees nito at sa pakikipagkita mismo ng dating kalihim kay Jack Lam noong November 2016.
Ulat ni Moira Encina