DILG at MMDA naghatid ng tulong sa mga residente ng Oriental Mindoro
Nagkaloob ng tulong si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” C. Abalos, Jr. at ang Metro Manila Development Authority (MMDA) sa mga barangay at residente na apektado ng oil spill sa Oriental Mindoro.
Kasama ni Abalos na nagtungo sa Pola, Oriental Mindoro ang iba pang opisyal ng gobyerno para maghatid ng tulong tulad ng water filter at purifying system sa mga apektadong lugar.
Nakipagpulong rin ang mga ito sa kinatawan ng lokal na pamahalaan ng Oriental Mindoro, munisipyo ng Pola upang mas maging epektibo ang koordinasyon at mapabilis ang paghatid ng serbisyo publiko sa lugar.
Batay sa report na ipinarating sa DILG mula sa Oriental Mindoro Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), aabot sa 143 barangays, at 24,292 pamilya o 121,292 katao ang apektado sa nasabing oil spill.
Matatandaan na lumubog ang barkong MT Princess Express sa Naujan, Oriental Mindoro noong Pebrero 28, 2023 na nagdulot ng patuloy na kumakalat na oil spill sa probinsiya at karatig lugar.