Diplomatic approach ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Recto bank incident ipinagtanggol ng Malakanyang
Nauunawaan ng Malakanyang ang sentimiyento o galit ng publiko sa nangyaring pagbangga ng chinese boat sa bangkang pangisda ng mga Pinoy sa Recto bank.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na diplomasya ang ginagamit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtugon sa insidente sa Recto bank.
Ayon kay Panelo tama si Pangulong Duterte na kailangan munang matanggap ang resulta ng inbestigasyon ng Pilipinas at China sa Recto bank incident bago gumawa ng kaukulang hakbang.
Inihayag ni Panelo na isinasaalang-alang ni Pangulong Duterte ang kapakanan ng mahigit 32 libong mga Overseas Filipino Workers o OFWs na nagtratrabaho sa China ganun din ang magandang trade at economic relations ng Pilipinas at China.
Iginiit ni Panelo na magkaibang isyu ang ginawang pagbangga ng chinese boat sa bangkang pangisda ng mga Pinoy sa Recto bank at ang ginawang pag-abanduna sa mga mangingisdang pinoy matapos ang insidente.
Niliwanag ni Panelo na ang insidente ng pagbangga ay kailangan pang inbestigahan samantalang ang pag-abandona sa mga mangingisdang pinoy ay malinaw sa paglabag sa umiiral na International Maritime law. Binigyang diin ni Panelo na ang kaso ng abandonment na ginawa ng crew ng nakabanggang chinese boat ang basehan ng diplomatic protest na isinampa ng Department of Foreign Affairs o DFA.
Ulat ni Vic Somintac