Direktang delivery ng sibuyas sa pamilihan, solusyon para mapababa ang presyo ng sibuyas – SINAG
Tumataas ang presyo ng sibuyas sa merkado dahil kontrolado ito ng mga middle men.
Kaya naman iminungkahi ni Rosendo So, chairman ng Samahang Industriya ng Magsasaka (SINAG) na direkta nang i-deliver mula sa mga magsasaka at sa mga cold storage owner ang sibuyas sa mga retailer sa Metro Manila.
Sa panayam ng NET25 TV/Radyo program Ano sa Palagay Nyo? (ASPN) sinabi ni So na maaari pang babaan ang presyo ng sibuyas dahil mababa ang pick-up sa mga cold storage na nagkakahalaga lamang ng P90/kg sa pula at P100/kg sa puti.
“Yung problema talaga natin yung mga middle man na nagde-deliver sa Manila, and naka-usap din natin yung mga wholesaler sa Divisoria ang delivery talaga is plus P10 lang, so ang in between, ang talagang problema sa Metro Manila. Kasi sa probinsya naman yung retail price ng pulang sibuyas nasa P130 lang, so ang pino-problema talaga natin ay yung delivery sa Metro Manila may nagko-kontrol dun sa presyo,” paliwanag ni Ginoong So.
Sinabi ni So na makikipag-ugnayan siya sa Department of Agriculture at isang grupo ng trucker para sa direktang delivery ng sibuyas sa pamilihan.
Kung magagawa aniya ito, maaring mapilitan ang mga middleman na ibaba sa tamang presyo ang sibuyas.
Ang delivery cost daw kasi ng sibuyas ay nasa P3.50/kg lamang.
“Ang isang sigurong solusyon ay subukan naming i-meet yung isang grupo na may mga truckers na i-deliver sa Manila para pag-usapan, kasi ang cost of deliveries sabi niya sa akin is P3.50 cents per kilo lang, so with that ipa-meet naming yung DA at tsaka yung grupo para at least ay directly siguro yung farmers ipapa-deliver na lang natin o yung mga owner ng cold storage ipapa-deliver na lang sa Metro Manila para mapababa ang presyo sa Metro Manila,” binigyang-diin pa ni So.
Sa isinusulong aniyang panukala sa Kongreso, ang ganitong tiwaling gawain ng mga middleman ay maaaring kasuhan ng economic sabotage.
Samantala, sinabi ni So na ang supply ng puting sibuyas ay hanggang sa Hulyo lamang, samantalang ang pulang sibuyas ay hanggang Nobyembre.
Kaya mungkahi din niyang mapag-usapan na ngayon pa lang ang posibleng pag-a-angkat ng puting sibuyas upang maiwasan ang kakapusan at muling pagtaas ng presyo nito gaya sa mga nakaraan.
Weng dela Fuente