Disbarment case inihain ni Presidential Adviser on Poverty Alleviation Larry Gadon laban kay VP Sara sa Korte Suprema
Pormal nang inihain sa Korte Suprema ni Presidential Adviser on Poverty Alleviation Larry Gadon, ang disbarment complaint nito laban kay Vice- President Sara Duterte.
Ang disbarment case ay kaugnay sa pahayag ni VP Sara sa Zoom press conference nito noong nakaraang linggo kung saan pinagmumura at pinagbantaan na ipapapatay nito sina Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at House Speaker Martin Romualdez.
Hinimok ni Gadon ang Supreme Court na motu proprio na maglunsad ng disbarment proceedings laban sa bise-presidente na isang abogado, dahil sa mga naging pahayag nito.
Photo: Net25-Radyo Agila news team
Sinabi ni Gadon na dapat maalis si VP Sara sa listahan ng mga abogado dahil sa mga pagmumura at pahayag nito, lalo na’t ito ay laban sa pangulo ng bansa gaya ng pag-disbar sa kaniya ng SC noon dahil sa mga pananalita laban sa isang mamamahayag.
Nagbabala pa si Gadon na maghahain siya ng impeachment case laban sa mga mahistrado ng SC kung hindi aaksyunan ang disbarment case.
Photo: Net25-Radyo Agila news team
Nanawagan din si Gadon kay VP Sara na magbitiw ito sa posisyon dahil tiyak na isusulong ang impeachment laban dito sa susunod na Kongreso.
Ani Gadon, “Si VP Sara, pinagmumura niya di lang isang tao, ang minura niya presidente, first lady at speaker of the house, di lang mura pinagbantaan pa niya na papatayin niya, na meron siyang inutusan na tao na patayin si PBBM, so yan ay more than enough para kumilos ang Supreme Court.”
Moira Encina-Cruz