Disenyo para sa Climate Resilient Classrooms dapat talakayin
Para maiwasan ang pabago bagong school calendar, hinikayat ni Pasig City Congressman Roman Romulo ang Department of Public Works and Highways at Department of Education na pag-usapan ang disenyo para sa climate resilient classrooms.
Sa Kapihan sa Manila Bay News Forum, sinabi ni Romulo na suportado niya ang pagbabalik ng pasukan sa Hunyo dahil sa tumitinding init ng panahon na apektado hindi lang estudyante kundi maging mga guro.
Sa kasalukuyan ang nangyayari aniya sa ibang eskwelahan ay nagkakaroon ng online classes dahil sa init ng panahon.
Pero ang tanong paano naman kapag nagkaroon ng malalakas na pag- ulan, baka maging malakas na naman ang panawagan ng pagbabago ng buwan ng pagbubukas ng klase gaya ng nangyari sa nakalipas.
Dalawa lang naman aniya ang panahon sa Pilipinas kaya para sigurado na hindi magkakaproblema pagdating ng tag-ulan mapag-usapan na ito ngayon palang.
Mahalaga aniya ang masiguro na hindi maaantala ang pag-aaral ng mga estudyante.
Naniniwala ang mambabatas na pinaka epektibo paring paraan ng pagtuturo ay sa pamamagitan ng face to face classes.
Madelyn Villar- Moratillo