Disiplinadong paggamit ng gadgets

Mga kapitbahay, aalamin natin today ang epekto ng social media sa mental health ng mga bata sa pamamagitan ng isang psychiatrist, si Dr. Rey Lesaca Jr.

Ang sabi ng mga literatura may mga epekto ang social media sa lusog-isip ng mga bata, lalo na sa mga teenager.

Panahon ng teknolohiya at bahagi ito ng pag-unlad at sa mga batang estudyante ginagamit ito sa kanilang online classes.

Ayon kay Doc Lesaca, magkagayunman, may downside ito.

Lalo na nga kung masyadong babad ang bata sa gadget, hindi ito nagdudulot ng maganda sa kanilang mental health.

Apektado na maging ang pagtulog nila.

Ang nakalulungkot, lingid sa kaalaman ng magulang, habang natutulog na sila, ang kanilang anak ay gising pa at gumagamit pa ng gadget at nagpupunta sa iba ibang social media platforms.

Bagaman may advantage ang paggamit ng gadget at social media, subalit marami ring disadvantages, sabi ni Doc Rey.

Ang problema ay matindi ang puwedeng maging epekto sa kaisipan ng mga bata.

Puwede silang maging biktima ng cyber bullying, bashing, at shaming.

Idagdag pa ang paglaganap ng marites at pekeng balita at kung ano-ano pang miskomunikasyon na nababasa ng mga bata.

Sa panahon ngayon, ang sabi ni Doc Rey ay dapat na matutukan ng magulang ang anak at madisiplina sa paggamit ng gadgets.

Kasi, puwedeng ang mga bata ay kung sino-sino na ang kinakausap o ka-chat.

Ayaw ng bata na walang pinagkakaabalahan, walang kausap, at lalo nga nitong pandemya na nagkaroon ng social isolation.

Naging impatient sila at nakaranas ng boredom.

At ang social media platforms ang naging daan para sa mga bata at kabataan at kahit sa mga matatanda na makapag-engage.

Hindi kaila na ngayon ay may mga batang napapahamak sa cyber sex sa murang edad nila.

Dahil dito, malaki ang gampanin ng magulang para hindi mabiktima ang kanilang mga anak ng cybersex, cyber bullying, bashing at kung ano-ano pa.

Kung tutok si parents sa mga anak at nadidisiplina o nalilimitahan ang paggamit ng gadgets, hindi ka magugulat kung bakit si bunso o sinuman sa iyong mga anak ay bigla na lang na hindi kumikibo, o biglang naging bugnutin, laging nininerbiyos nang wala sa lugar.


Hindi dapat na mangyari na hindi alam ng magulang ang nangyayari sa anak.

Kaya nga napakahalagang natututukan, nasusubaybayan, at nagagabayan sila.

Disiplinadong paggamit sa gadgets at sa iba ibang social media platforms ang kailangan sabi ni Doc Rey.

Lunes hanggang Biyernes wala munang gadget unless gagamitin sa school o kung may online class.

Sa weekend, doon pagamitin bagaman weekdays o weekend na, may pagsubaybay pa rin, may disiplina pa rin.

Bilang panghuli, sabi ni Doc Rey, isipin at pag-aralan din ng magulang kung dapat bang bigyan na ng cellphone o anumang gadget ang bata?

Mas mainam na nasa wastong edad na at ipaliwanag na may kaakibat itong responsibilidad at disiplina sa paggamit.

O ayan mga kapitbahay, bahagi lang po ito ng pagpapaalala namin sa inyo dahil nagmamalasakit lang ang inyong abay.

Until next time!

Please follow and like us: