Diskusyon kung papayagan na maging processing area ang Pilipinas para sa Afghan nationals, nagpapatuloy pa –DOJ
Tuluy-tuloy pa ang pakikipag-usap ng gobyerno ng Pilipinas sa U.S. Embassy sa planong gawing processing area ang bansa para sa Afghan nationals na kumukuha ng special immigrant visa sa Amerika.
Pero inamin ni Justice Undersecretary Raul Vasquez na bukas ang Pilipinas sa panukala na ang mga Afghan na nalalagay sa panganib bunsod ng gulo sa Afghanistan ay manatili sa bansa habang pinuproseso ang kanilang visa.
Sa ngayon aniya ay pinag-aaralan pa ng Pilipinas at U.S. ang mga detalye ng posibleng kasunduan.
Ayon kay Vasquez, pangunahin sa mga inaalala ng Pilipinas ay ang isyu sa pambansang seguridad kapag pumayag ang bansa na maging processing area ito.
Nilinaw naman ng DOJ na hindi refugees ang turing sa mga nasabing Afghan dahil pansamantala lamang ang pananatili ng mga ito sa bansa.
Moira Encina