Dismissed Bamban Mayor Alice Guo sinampahan ng reklamong tax evasion ng BIR sa DOJ
Pormal na ipinagharap ng reklamong tax evasion sa Department of Justice (DOJ) ng Bureau of Internal Revenue (BIR), si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at dalawang iba pang indibiduwal.
Ang reklamo ay nag-ugat sa pag-transfer ni Guo ng kaniyang shares sa Baofu Corporation.
Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui, Jr., nabatid sa imbestigasyon na hindi binayaran ni Guo ang mga buwis o ang capital gains tax at documentary stamp tax para sa nasabing paglipat ng shares.
Kopya ng reklamong tax evasion laban kay dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at dalawang iba pang indibiduwal
Bukod kay Guo, inireklamo rin ng BIR ang corporate secretary ng Baofu na si Rachelle Joan Malonzo Carreon dahil sa kabiguan na iulat ang hindi pagbabayad ng buwis, at si Jack Uy na pinagbentahan ng shares ng alkalde.
Sinabi ni Lumagui na iniimbestigahan pa nila ang iba pang mga transaksyon ni Guo at kapag malaman na hindi ito nagbabayad ng tamang buwis ay kakasuhan nila ito ng panibagong tax evasion.
Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui, Jr., “Ito palang ang kauna-unahang kaso na isinampa natin. Mallit lang ang value ng mga shares na pinalabas na binenta, kaya ang amount nito ay nasa 500 thousand pesos. Pero itong pag-audit natin sa iba pang transaksiyon nya patuloy pa at tinitingnan natin kung ano pa ang mahahabol natin sa kaniya.”
Moira Encina-Cruz