Disney, magbabawas ng 32,000 manggagawa sa 2021
LOS ANGELES, United States (AFP) — Inihayag ng Disney na magbabawas sila ng 32,000 manggagawa sa 2021, una ay mula sa kanilang US theme parks division, mas mataas kumpara sa inanunsyong babawasing mga trabahador noong Setyembre.
Ang kompanya na una nang nagsabi na magbabawas sila ng 28,000 mga trabaho ay nakikipagbaka sa pandemya at ipinatutupad na mga restriksyon.
Ayon sa kanilang inihain sa Securities and Exchange Commission, sinabi ng Disney na ang pagbabawas ay gagawin sa unang kalahati ng 2021.
Dagdag pa ng kompanya, karamihan sa mga trabahong aalisin ay sa “Parks, Experiences and Products.”
Bukod sa aalising mga manggagawa, nasa 37,000 mga empleyado pa ang inilagay sa “furlough” mula October 3.
Ang Disney ay mayroong nasa 203,000 mga empleyado sa buong mundo, kung saan nasa 20 percent dito ay part-time workers.
Ang Disneyland sa Anaheim malapit sa Los Angeles, ang world’s second-most visited theme park, kung saan milyun-milyon ang bumibisita kada taon, sinundan ito ng Magic Kingdom at Walt Disney World sa Orlando.
Subalit hindi gaya ng Disney theme parks sa Florida, Tokyo, Hong Kong, Shanghai at Paris, hindi pa rin nakapagbubukas ang Anaheim resort dahil sa umiiral na coronavirus restrictions sa estado.
Ang hakbang ay kasunod ng pagkalugi ng Disney ng $4.7 billion sa katatapos na quarter.
© Agence France-Presse