Distribution utilities na nagre-refund sa kanilang customer, pinuri ng ERC
Pinuri ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang MORE Electric and Power Corporation, sa inisyatibo nito na maibalik ang bill deposit ng kanilang mga customer.
Ayon kay ERC Commissioner Alexis Lumbatan, bihira sa distribution utilities (DU) ang kusang nagbabalik ng refund maliban na lamang kung hingin ng consumers.
Una rito, sinimula na ng MORE Power sa Iloilo City ang pagbibigay ng refund sa bill deposit ng kanilang mga customer.
Ang bill deposit ang siyang ibinabayad ng mga consumer kapag nag-apply ito ng kanilang electric meter, alinsunod sa Article 7 ng Magna Carta for residential electric consumers.
Ang bill deposit ay kailangang ibalik ng mga DU makalipas ang 3-taon o 36-buwan, sa kondisyon na ang consumer ay nagbabayad sa oras at walang record ng disconnection.
Ayon sa ilang residente na nakatanggap na ng refund, malaking tulong ito sa kanilang pangdagdag sa gastusin sa araw-araw.
Sinabi ni MORE Power President at CEO Roel Castro, na ang kanilang kusang pagbabalik ng bill deposit ay sa hangarin na rin nila na maging ehemplo sa iba pang distribution utilities.
Hinikayat ni Castro ang kanilang consumers na magbayad sa oras at huwag magkaroon ng disconnection o maputol ang kanilang kuryente, upang maibalik agad sa kanila ang refund.
Nabatid na may P5 milyong pondo na inilaan ang MORE Power para sa nasabing refund ngayong taon.
Madelyn Moratillo