Diwa ng pakikipaglaban at kagitingan, dapat panatilihin ng bawat Filipino sa paggunita ng 77th Araw ng Kagitingan
Bagamat nagapi ang mga sundalong Filipino at Amerikano sa pakikidigma sa mga Hapon noong 1942, naging marangal naman ang kanilang pagkatalo.
Sa panayam ng “Saganang Mamamayan”, sinabi ni UP Professor at Historian Vic Villan, ito ang dahilan kung bakit ginawang Araw ng Kagitingan ang Fall of Bataan na ginugunita tuwing Abril 9.
Ayon kay Villan, binibigyang-diin sa okasyon ang positibong bahagi ng pagkikipaglaban ng mga sundalong Filipino na magiting na nagpakita na kaya nilang lumaban hanggang may buhay.
“Ang natalo lang sa atin doon ay ang katawan, nagkalasog-lasog, tinamaan ng bala pero ang diwa at espiritu ng paglaban ay nanatili”
Dahil dito, hinimok ni Villan ang mga kabataan na ipagpatuloy ang pagtuklas ng karunungan lalu na ang pag-aaral sa kasaysayan na isa sa mga sandigan ng pag-asenso ng tao.
“Hindi dapat mawalan ng gana ang mga kabataan na mag-ipon ng karunungan dahil nakasalalay talaga sa kaalaman, karunungan at talino ang pag-asenso ng tao”
Kahapon ipinagdiwang ang 77th Araw ng Kagitingan kung saan hinimok ni Pangulong Duterte ang mga Filipino na pagtibayin pa ang soberenya ng Pilipinas.