Djokovic wagi sa 2nd round ng US Open
Limang matches na lamang ang kailangan ng world number one na si Novak Djokovic, para makumpleto ang una niyang men’s singles calendar-year Grand Slam, makaraan niyang umabante sa third round ng US Open.
Dinaig ng 34-anyos na Serbian ang 121st-ranked Dutchman na si Tallon Griekspoor sa score na 6-2, 6-3, 6-2 sa Arthur Ashe Stadium, para makapasok sa third round kung saan makakaharap naman niya ang 2014 US Open runner-up na si Kei Nishikori ng Japan.
Ayon kay Djokovic . . . “I’m as motivated as ever to do well. I’m not the only player that wants to go deep in the tournament and put his hands on the trophy. I’m trying to be my best every day and let’s see what happens.”
Sakaling makuha ang ika-apat na US Open title, ito na ang magiging ika-21 career Grand Slam crown ni Djokovic, ibig sabihin ay mapapasakamay niya ang all-time record.
Sa ngayon, tatlo ang mayroon nang 20 Grand Slam record. Si Djokovic, Roger Federer at Rafael Nadal na kapwa hindi naglaro sa US Open dahil sa injuries.
Samantala, nakapasok naman sa third round ang makakalaban ni Djokovic na si Nishikori matapos talunin ang Amerikanong si Mackenzie McDonald sa score na 7-6 (7/3), 6-3, 6-7 (5/7), 2-6, 6-3.
Si Djokovic ay may 17-2 career record laban kay Nishikori na huling dinaig ang Serbian sa 2014 US Open semi-finals.
Pagkatapos nito ay sunod-sunod na ang naging panalo ni Djokovic, na ang pinakahuli ay sa Tokyo Olympic quarter-finals.