DNA ng tatlong suspek sa Degamo slay, tumugma sa nakuhang specimen sa murder scene; kampo ni Teves, no show sa pagdinig
Sinimulan na ng panel of prosecutors ng Department of Justice (DOJ) ang preliminary investigation sa mga reklamong murder laban kay Congressman Arnolfo Teves, Jr., kaugnay sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at siyam na iba pang katao noong Marso 4 sa Pamplona.
Ayon sa abogado ng Degamo na si Atty.Levito Baligod, tumugma sa DNA ng tatlo sa mga akusado ang mga nakuhang specimen mula sa pinangyarihan ng krimen.
Ang mga ito ay sa mga DNA nina Jhudiel Rivero alyas Osmundo Rivero, Winrich Isturis, at Eulogio Gonyon.
Partikular aniya na nag-match ang DNA ng tatlo sa mga nakolektang specimen gaya sa bakas ng dugo sa bahay ni Degamo at sa mga sasakyan ng mga namaril.
Sinabi ni Baligod na isinumite na ng NBI sa panel ang DNA test results bilang dagdag na ebidensya.
Aniya, dahil sa nasabing DNA kaya kahit bumaligtad ang mga suspek sa testimonya ay malakas pa rin ang kaso.
Samantala, dumalo sa pagdinig ang biyuda ni Governor Degamo na si Pamplona Mayor Janice Degamo at ang kamag-anak ng iba pang mga biktima.
Humarap din sa hearing ang iba pang mga akusado na una nang bumaligtad sa kanilang testimonya.
Naging emosyonal naman sa hearing ang pamilya ng mga biktima nang makita ang mga suspek.
Wala namang kinatawan o abogado ang kampo ni Teves na nasa ibang bansa pa rin kahit may inisyu nang subpoena rito ang DOJ.
Hindi rin sumipot ang mga pribadong abogado ng mga akusado na una nang naghain ng recantation.
Tumanggi naman ang mga akusado na ireaffirm ang mga naunang testimonya at maging ang kanilang recantation.
Ang mga abogado mula sa Public Attorneys Office (PAO) ang kumatawan sa mga akusado.
Moira Encina