DND handang tumulong sa pagpapauwi sa overseas Filipinos mula sa Ukraine
Nakahanda ang Department of National Defense (DND), na tumulong sa pagpapauwi sa overseas Filipinos sa Ukraine kasunod ng pag-atake ng Russia.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, tutulungan nila ang mga ahensiyang pinamumunuan ng Department of Foreign Affairs (DFA), sa sandaling hingin nito ang kanilang tulong.
Sinabi ni Lorenzana na mino-monitor nila ang sitwasyon at sila ay naka-standby na.
Gaya ng DFA, nagpahayag din ng pag-asa ang defense chief na ang nangyayari ngayon sa Ukraine ay hindi aabot sa sitwasyon kung saan hindi na ito mareresolba sa pamamagitan ng diplomasya at international rules-based order.
Una rito ay sinabi ng DFA na 37 mga Filipino ang patungo na sa Lviv para sa kanilang repatriation.
Una na ring sinabi ni DFA chief Teodoro Locsin, Jr. na magtutungo siya sa Ukrainian border para pangasiwaan ang pagpapauwi sa mga Pinoy.