Documentation at clearance ng 10 akusadong Aegis Juris frat member, tinatapos pa ng NBI bago ilipat sa Manila City Jail
Tiniyak ng NBI na agad nitong ililipat sa Manila City Jail ang mga miyembro ng Aegis Juris fraternity na akusado sa pagkamatay ng UST law student na si Atio Castillo.
Ayon sa NBI, sa oras na matapos ang documentation at ang clearance ay agad nilang ibibigay sa Manila City Jail ang kustodiya ng mga akusado.
Ito ay bilang pagsunod sa Commitment Order na ipinalabas ng Manila RTC Branch 20.
Sa nasabing kautusan, binigyan ng korte ang NBI ng apatnaput -walong oras para ilipat ang sampung akusado sa Manila City Jail.
Partikular na iniutos na mailipat sa City Jail sina Mhin Wei Chan, Jose Miguel Salamat, John Robin Ramos, Marcelino Bagtang Jr, Arvin Balag, Ralph Trangia, Axel Munro Hipe, Oliver Onofre, Joshua Macabali at Hans Matthew Rodrigo.
Kinatigan ni Manila RTC Branch 20 Judge Marivic Balisi-Umali ang argumento ng prosekusyon na alinsunod sa batas, ang isang akusado ay dapat na makulong sa pasilidad ng BJMP na ahensyang may tungkulin at kapangyarihan na magbigay seguridad sa mga taong nahaharap sa paglilitis.
Ulat ni Moira Encina