DOE, tiniyak na may sapat na suplay ng kuryente sa eleksyon sa Mayo
Tiniyak ng Department of Energy (DOE) na walang mangyayaring rotational brownout at sapat ang suplay ng kuryente sa eleksyon sa Mayo ng susunod na taon.
Ang pagtiyak ay ginawa ng DOE matapos sabihin ng National Grid Corp. of the Philippines na manipis ang power reserve sa panahon ng summer period sa 2022 gaya ng nangyari ngayong taon.
Pero ayon kay Energy Undersecretary and Spokesperson Felix William Fuentebella, wala silang nakikitang red elert o anumang banta ng brownout pero maari pa raw itong mabago depende sa lakas ng paggamit ng suplay ng kuryente.
Dahil naka work from home ang marami , mas malakas aniya ang konsumo sa kuryente sa mga bahay tuwing summer months lalo na sa Luzon Region.
Gayunman , nakikipag-usap na sila sa mga may-ari ng mga planta na huwag itaon sa Abril hanggang Hunyo ang maintenance para hindi magkaroon ng power outage sa araw ng eleksyon hanggang sa canvassing ng mga balota.
Tiniyak naman ng MERALCO na may nakalatag na silang contingency plan sa panahon ng eleksyon.
Kabilang na rito ang paglalagay ng mga generator set sa piling lugar sa Metro manila.
Meanne Corvera