DOF handang iprisinta sa economic team ng Marcos Admin ang mga fiscal plan para makabangon mula sa krisis dala ng pandemya
Hinimok ni outgoing Finance Secretary Carlos Dominguez III ang susunod na administrasyon na magpatupad ng “fiscal consolidation” at “resource mobilization plan” na kritikal para makabangon ang bansa mula sa krisis at utang dala ng pandemya.
Sinabi ni Dominguez na handa ang DOF na iprisinta sa incoming Marcos Government ang nasabing fiscal measures na binuo ng kasalukuyang liderato.
Aniya mahalaga ito para ma-reverse sa loob ng 10 taon ang dagdag na Php 3.2 trillion na utang ng pamahalaan bunsod ng pandemya.
Inihayag pa ni DOF OIC Undersecretary Valery Joy Brion na ang pinakamainam na opsyon para sa bagong administrasyon ay mag-raise ng revenues at pagbutihin ang tax administration.
Ayon sa DOF, tinatayang makakakolekta ang nasyonal na pamahalaan ng average na Php 284 billion kada taon sa proposed measures.
Paliwanag ng DOF, sa datos ng Bureau of Treasury ay kinakailangan ng gobyerno nang hindi bababa sa Php249 billion na incremental revenues kada taon sa susunod na 10 taon para mabayaran ang mahigit Php 3 trilyong pagkakautang dala ng COVID pandemic.
Tiwala naman si Dominguez na mababatid ng paparating na administrasyon at mga mambabatas ang kahalagahan ng agarang pagpapatupad ng naturang fiscal measures.
Moira Encina