DOF nilinaw na hindi kasama sa magbabayad ng contribution ang mga retired military at uniformed personnel
Target ng Department of Finance na maisumite sa pagbubukas ng sesyon ng Kongreso ang panukala para sa pagbabayad ng kontribusyon ng mga military at uniformed personnel.
Sa Kapihan sa Manila Bay News Forum, tiniyak ni Finance Secretary Benjamin Diokno na dumaan ito sa mga konsultasyon lalo sa mga maaapektuhan.
Nilinaw rin niya na sa kanilang binubuong model, hindi kasama sa pagbabayarin ng kontribusyon ang mga retirado na.
“We have done extensive consultation with the affected parties. Model namin those who retired di na natin gagalawin. Those in active service magcontribute sila”. pahayag ni Finance Secretary Benjamin Diokno
Giit ni Diokno kailangan na itong aksyunan ng gobyerno dahil kung hindi tuluyang lulubog ng husto ang utang ng bansa.
Sa pagtaya posibleng lumobo ng hanggang 25 percent ang utang ng Pilipinas sa mga susunod na taon kung hindi ito mareresolba.
Sa ilalim ng MUP pension system na nagsimula noong panahon ni dating Pangulong Fidel Ramos, wala silang kontribusyon sa pension system.
Ang kanilang retirement pension at mga benepisyo ay pinopondohan ng gobyerno.
Ayon kay Diokno sa kanilang pagtaya nasa 9 trillion pesos ang unfunded pension liabilities.
Madz Moratillo