DOH: Aktibong kaso ng Covid-19 sa bansa, posibleng umabot sa 430,000 sa Abril kung hindi nagpatupad ng ECQ
Posibleng umabot umano sa 430,000 ang aktibong kaso ng Covid-19 sa bansa sa katapusan ng Abril kung hindi nagdeklara ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang gobyerno.
Ito ang Iginiit ng Department of Health kaya kailangan talaga ang umiiral ngayong Enhanced Community Quarantine sa National Capital Region, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal para maiwasan ang lalo pang paglobo ng bilang ng aktibong kaso ng Covid-19 sa bansa.
Ayon kay Health Usec. Ma Rosario Vergeire, sa NCR maaaring umabot ng hanggang 350,000 cases kung hindi nagpatupad ng ECQ.
Ang mga lugar na ito ayon sa DOH ay nasa high hanggang critical risk na.
Binigyang-diin ni Vergeire na ang ECQ na ipinatutupad ngayon ay mahalaga para makahinga ang health system sa mga lugar na ito.
Sa NCR aniya ay nasa 63% na ang Healthcare utilization rate habang 58% naman sa Calabarzon.
Nilinaw naman ni Vergeire na hindi agad makikita ang epekto ng ipinatupad na ECQ dahil ang virus ay may 14 na araw na incubation period.
Madz Moratillo