DOH aminado na may posibilidad na may community transmission na ng Delta variant sa bansa
Bagamat may posibilidad na mayroon nang community transmission ng Delta variant ng COVID-19 sa bansa, iginiit ng Department of Health na kailangan pa nila ng sapat na ebidensya para opisyal na maideklara ito.
Ang community transmission ay kapag hindi na makita ang link o pinagmulan ng mga kaso.
Health Usec Ma Rosario Vergeire:
“Base po sa mga nakukuha naming samples and the results coming from the Philippine Genome Center mukhang yan po talaga pinapakita na. That the community transmission is there but as I always say mula pa noong umpisa we take that as if there is a community transmission yung mga aksyon na ginagawa natin. Kailangan lang na rin ng mga ebidensya before we can officially declare. Definitely we had already construed action. Yun po naging aksyon natin mula pa noong umpisa”.
Una rito, nakapagtala ang DOH kahapon ng mahigit 17,000 bagong kaso ng Covid-19 sa bansa.
Sa mga nagtataka kung bakit tumataas ang mga kaso ng virus infection gayong may ipinatupad na Enhanced Community Quarantine, at ngayon naman ay Modified ECQ sa ibang lugar sa bansa, iginiit ng DOH na hindi pa talaga mararamdaman ngayon ang epekto nito.
Mararamdaman aniya ang epekto nito makalipas ang 2 hanggang 3 linggo.
Aminado ang DOH na sa mga susunod na araw, asahan pa ang pagtaas ng mga kaso ng maitatalang Covid 19.
Binigyang- diin ni Vergeire na hindi lockdown ang sagot sa Covid 19 pandemic.
“There should be granular lockdown. Kelangan talaga mapukpok natin ang bakuna. Tumaas bakunahan. Shorten from the time we detect to isolate. Saka pangatlo compliance saminimum public health standards”.
Kung mapabubuti aniya ang tatlong ito, siguradong magkakaroon ng pagbaba ng mga kaso.
Nilinaw rin ni Vergeire na kahit MECQ na ang pinatutupad sa NCR at iba pang lugar ay nananatiling mga essential worker lamang ang palalabasin.
Madz Moratillo