DOH, aminadong bigo ang unang araw ng pagpapatupad ng Nationwide Smoking Ban
Ipinatupad na kahapon ang Executive Order No. 26 o ang Nationwide Smoking Ban ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar at mga sasakyan.
Ngunit, marami pa rin ang hindi alam na simula na ang pagpapatupad ng naturang kautusan.
Ayon kay DOH Asec. Eric Tayag, sa kanilang paglilibot may mga nasumpungan pa rin silang naninigarilyo sa pampublikong paaralan at mga nagtitinda pa rin ng sigarilyo.
Sinabi ni Tayag na bagaman sa unang araw ay maaaring masabing bigo sa pagpapatupad ng EO No. 26, unti unti ay magtatagumpay din ito.
Pagbibigay diin pa ni Tayag trabaho na ng lokal na pamahalaan ang pagmo- monitor at pagpapatupad sa Nationwide Smoking Ban.
Binanggit ni Tayag na may hotline din ang DOH na maaaring tawagan ang mamamayan kung makakakita sila ng mga establishment na lalabag sa naturang kautusan na nagbabawal ng paninigarilyo.
Narito ang DOH Hotline No. (02) 7111002 na maaaring tawagan.
Ulat ni: Anabelle Surara