DOH at DepEd, inilatag na ang guidelines para sa limited face to face classes
Kasunod ng nakatakdang pilot implementation ng limited face-to-face classes sa ilang piling lugar sa bansa, inilatag na ng Department of Education at ng Department of Health ang magiging guidelines nito upang masiguro ang kaligtasan ng mga estudyante at guro lalo na’t patuloy pa rin ang banta ng Covid -19.
Ayon sa DepEd, 100 sa public schools habang 20 lamang sa mga pribadong paaralan ang papayagang makalahok rito, at kailangan maipasa muna nila ang School Readiness Assessment ng DepEd at kanilang mga lokal na pamahalaan.
Kasama sa guidelines ang pagtiyak ng kahandaan ng isang eskuwelahan sa muling pagbubukas ng klase bagamat sa limitadong bilang lamang.
Ilan sa titingnan ay ang kakayahan ng isang paaralan na ipatupad ang Prevent, Detect, Isolate, Treat, and Reintegrate framework.
Ang mga silid-aralan ay dapat may proper ventilation, may sapat na espasyo para sa physical distancing at dapat ang mga eskwelahan ay may sanitation and hygiene area.
Ayon kay DepEd Planning Service Director Roger Masapol, para sa Kinder hanggang Grade 3 ay iisang guro lang ang hahawak sa kanila.
Para sa Kinder, hanggang 12 lang ang maximum na papayagang estudyante, 16 naman sa Grade 1 hanggang 3, 20 naman sa loob ng classroom para sa Senior High School at 12 sa mga workshop o science laboratory.
Ang maximum ng oras ng klase ay apat at kalahating oras, maliban sa Kindergarten na hanggang tatlo lang.
Ang limited face to face class na ito ay tatagal sa loob ng dalawang buwan at depende sa magiging tagumpay nito kung i-e-expand ito.
Ang mga guro na makakasama rito, dapat bakunado na kontra Covid-19, walang commorbidity at hindi lagpas sa 65 taong gulang ang edad.
Director Roger Masapol, DepEd Planning Service:
“We agreed all school personnel, teachers should be fully vaccinated when they participate in the pilot face-to-face.
Health Sec. Francisco Duque III:
“We are committed to providing additional protection for our teachers through vaccination. While vaccination is not mandatory, classroom learning will be limited to vaccinated teaching personnel. So as not to disenfranchise unvaccinated teachers, they may teach using distance or online modules. This also presents options for parents who are still hesitant to send their children to school”.
Nilinaw naman ng DOH na hindi kailangang sumailalim sa Covid-19 testing ang mga estudyante, guro at iba pang staff ng paaralan na kasama sa pilot testing.
Health Usec Ma Rosario Vergeire:
“We don’t recommend testing. We still follow symptomatic testing. Risk base protocol if meron may symptoms dun tayo mag isolate”.
Para naman maiwasan ang posibleng exposure ng mga estudyante at guro na kasali sa pilot testing ng face to face class, inirekomenda na ang makasali dito ay mga nakatira lang malapit sa eskuwelahan.
Kung kailangan puwede naman umanong makipag-ugnayan sa mga LGU para sa transportasyon.
Madz Moratillo