DOH, binalaan ang mga nakasabay sa eroplano ng Pinoy na nagpositibo sa UK variant ng COVID-19
Binalaan ng Department of Health (DOH) ang mga nakasabay sa eroplano ng 29-anyos na Pinoy na nagpositibo sa UK variant pagdating sa bansa.
Ayon kay Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire, sa ilalim ng Republic Act 11332 o ang Law on Notifiable Diseases ay nakasaad na sa panahon ng Public Health emergency ay dapat makipagtulungan ang lahat sa Gobyerno.
Ang sinumang mabibigo na sumunod ay may katapat na parusa.
Sa ilalim ng RA 11332 nakasaad na ang sinumang lalabag rito ay maaaring makulong mula isa hanggang anim na buwan at pagmumultahin ng mula 20 hanggang 50,000 piso.
Ayon kay Vergeire sa 159 na nakasabay sa Emirates flight EK 332 ng nasabing pasyente ay 146 na ang nakipag-ugnayan sa kanila habang ang 13 naman ay hindi sinasagot ang kanilang tawag.
Ang iba naman ay walang sagot at ang iba ay mali ang numero ng telepono.
Lahat sila ay isasailalim sa swab test at ang magpopositibo ay isasalang sa Genome sequencing.
Ang iba sa kanila ay nasa Quarantine facilities na habang ang iba ay pinayagang makapag-quarantine sa bahay.
Madz Moratillo